MAY lisp ang karakter ni Kris Bernal na si Tinay sa Little Nanay, may “th” kapag nagsasalita. Ang kuwento ni Kris, wala sa script na may lisp ang karakter niya, pero sa kanyang immersion sa isang school for children with intellectual disability, napansin niyang hirap ang mga bata na bigkasin ang letters S and R.
“Kaya naisip kong magkaroon na rin ng lisp si Tinay para mas tumatak ang karakter niya. Feeling ko naman successful ako dahil ginagaya ako ng mga batang viewers namin. Nasanay lang akong magsalita ng may lisp dahil nadadala ko sa bahay. Minsan, para na rin akong si Tinay ‘pag nagsalita,” kuwento ni Kris nang makausap namin.
Malaki ang pasasalamat ni Kris na sa kanya ibinigay ng GMA-7 ang Little Nanay, worth it ito sa matagal na kawalan niya ng teleserye. Katunayan, iniyakan niya ito dahil inakala niyang hindi niya makakayang gawin. But look at her now, parang ngayon lang nadiskubre ng viewers na magaling siyang aktres.
“Very challenging din naman kasi ang karakter ni Tinay at ginagawa ko ang lahat para mailabas si Tinay at masaya ako na naa-appreciate ng tao ang ginagawa ko. Ang sarap din sa pakiramdam na pati mga bata, nanonood at alam nila ang theme song ng Little Nanay,” patuloy ni Kris.
Tatakbo ng 18 weeks ang Little Nanay at magtatapos ito sa March. Ngayon pa lang, may separation anxiety na si Kris dahil hindi na niya makakatrabaho sina Nora Aunor, Bembol Roco, Sunshine Dizon, Eddie Garcia at ang ibang cast na naging close sa kanya.
“Kinakabahan din ako sa magiging next soap ko dahil after Little Nanay, tiyak na mag-i-expect sila ng higit pa sa ipinakita ko rito. Naks, biro lang!” wika ni Kris na totoo naman, kaya good luck sa kanya sa next soap niya!
(Nitz Miralles)