COLOMBO, Sri Lanka (AP) – Dumating kahapon sa Sri Lanka ang matataas na human rights official ng United Nations upang matukoy ang mga paglabag sa karapatang pantao noong panahon ng giyerang sibil, na ikinasawi ng libu-libo.
Ang nasabing pagbisita, na pinangunahan ni Zeid Raad al-Hussein, ay bahagi ng resolusyon ng U.N. human rights body na kailangang magkaroon ng foreign judges na tutulong sa Sri Lanka sa imbestigasyon.
Natapos ang civil war sa Sri Lanka noong 2009, matapos durugin ng gobyerno ang rebeldeng Tamil Tigers.
Kapwa inakusahan ang gobyerno at ang mga rebelde ng paglabag sa karapatang pantao, gaya ng pagpatay sa mga sibilyan at pag-recruit sa mga batang sundalo.
Ayon sa U.N., mahigit 80,000 ang pinatay, at posibleng marami pa ang hindi natatagpuan, kabilang ang 40,000 sibilyan, sa huling buwan ng paglalaban.