IPINAGDIRIWANG ngayong araw ng Bureau of Customs (BoC) ang ika-114 na anibersaryo niya. Ang BoC, isa sa mga revenue-collecting agency ng bansa na nasasakupan ng Department of Finance, ang nagtatasa at nangongolekta ng kita ng Customs, nagpapatakbo sa kalakalan sa siguradong paraan, at nagpapatupad ng mga kaugnay na teknolohiya para sa epektibong pangangasiwa, batay sa international best practices and standards.

Noong 2015, ginamit ng BoC ang Electronic Zone Transfer System (e-ZTS). Sa pamamagitan nito, magagawang tukuyin ng BoC ang papel na ginagampanan ng mga tauhan nito, at gawing simple ang proseso ng goods transfer sa pagitan ng Ecozone Logistics Service Enterprise (ELSE) at Philippine Economic Zone Authority (PEZA). Ang e-ZTS ay nagbibigay-daan sa Customs at PEZA na masubaybayan sa tamang oras ang paglilipat at paggalaw ng tax-at duty-free goods sa mga ecozone, kaya nababawasan ang posibilidad ng ilegal na paglilipat at withdrawals.

Nagsimula ang Bureau of Customs na dating Philippine Customs Service bago pa nakarating sa bansa ang mga manlalayag.

Yumayabong ang pangangalakal sa pamamagitan ng sistemang barter o palitan ng kalakal ng mga “datu” o “rajah.”

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Nangongolekta sila ng buwis sa mga mangangalakal batay sa napagpasyahan ng tribu. Ang bagay na ito ay nakasanayan na at naging mahalagang bahagi ng kanilang kultura, na kalaunan ay naging bahagi na ng Customs Law of the Land.

Nang dumating ang mga Espanyol, itinatag nila ang Tariff Board na sumisingil ng 10 porsiyento ng buwis sa imported goods, na kalaunan ay nagkaroon ng sistema sa paniningil ng buwis sa iba’t ibang kalakal sa lahat ng pag-aangkat at pagluluwas. Ginamit ang paraang ito hanggang 1891.

Nang dumating ang mga Amerikano, ipinagpatuloy pa rin ang pagpapatupad ng Spanish Tariff Code of 1891, hanggang sa mapagtibay ng Philippine Commission ang Tariff Revision Law of 1902.

Ang Customs law ay patuloy na ipinatutupad sa Pilipinas sa paglipas ng mga taon. Noong 1957, pinagtibay ng Kongreso ang Tariff and Customs Code ng Pilipinas, Republic Act No. 1937. Pagkaraan ng maraming taon, noong Pebrero 4, 1965, nagreorganisa ang Bureau of Customs, sa bisa ng Customs Administrative Order No. 5-65, sa pamamagitan ng Sections 550 at 551 ng Revised Administrative Code ng RA 4164. Nagkaroon pa ng ilang serye ng pagbabagong-tatag sa Customs sa mga sumunod na taon. Ang huling mga pangunahing reorganisasyon ng Bureau ay nangyari noong 1986, pagkatapos ng EDSA Revolution, sa pagpapalabas ng Executive Order No. 127, at pinalawak ang kapangyarihan ng kawanihan sa pagkakaroon ng Central Office at mga sub-office na may mga tanggapang sumusubaybay ay nakikipagkaisa sa pagtatasa at pagpapatakbo sa Bureau. Umabot sa 5,000 ang mga kawani nito. Kinailangan din ang pagpapatupad ng computerization program upang mabuo ang Management Information System and Technology Group sa ilalim ng isang bagong Deputy Commissioner na may 92 posisyon. Ang DC ay awtorisado sa ilalim ng Executive Order No. 4673 noong Enero 9, 1998.

Binabati natin ang Bureau of Customs sa pagsisikap nitong ipatupad ang tumpak at napapanahong koleksiyon ng kita at sa pagtiyak na ang mga serbisyo nito ay tumutugon sa mga nararapat na paglago at pag-unlad ng sambayanang Pilipino at ng Republika ng Pilipinas.