Sa halip na pag-interesan, dinala ng isang taxi driver sa Public Information Office ng Caloocan City government ang mga bagahe ng isang French na naglalaman ng pera at mahahalagang gamit na naiwan nito sa sasakyan ng una sa Maynila, kahapon ng madaling araw.

Sa panayam kay Arnulfo M. Bado, sumakay sa kanyang taxi (Rosewine, UVR-305) ang dalawang lalaking dayuhan sa Fajardo Lacson Street sa Legarda, Maynila at inihatid niya ang mga ito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA)-Terminal 3, dakong 4:00 ng umaga.

“Tuluy-tuloy sa entrance ng airport ‘yung mga pasahero ko kaya umalis na rin ako kasi bawal ang mga puting taxi na mag-pick-up ng pasahero sa NAIA,” ani Bodo.

Pagdating niya sa garahe sa Caloocan City, nagulat siya nang buksan ang compartment ng taxi at makita ang tatlong malalaking back pack.

National

Davao Oriental, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Agad na dinala ni Bodo kay Miss Liz Valderama, Public Information Officer ng Caloocan City Hall South, ang mga bagahe.

Nasaksihan din ng ilang media ang pagdokumento sa tatlong bag nang binuksan ang mga ito ng grupo ni Valderama.

Kabilang sa mga nilalaman ng mga ito ang P34,000 cash, isang mamahaling camera, 2,500 Hong Kong dollars at pasaporte na nakapangalan kay Victor Mark Marvancher, isang French.

Sinabi ni Bodo na mukhang turista at papuntang Puerto Princesa ang dalawang dayuhan.

Nasa pangangalaga ng PIO ang mga bagahe, at ayon kay Miss Valderama, makikipag-ugnayan sila sa French Embassy dahil tiyak na hindi makakabalik sa kanyang bansa ni Marvancher dahil wala sa kanya ang mga travel document.

(Orly L. Barcala)