ANG Laguna de Bay ay may lawak na 90,000 ektarya. Ito ang pinakamalaking lawa sa Asia noong dekada 50 hanggang sa pagtatapos ng dekada 60 na itinuturing na sanktuwaryo ng mga mangingisda sa mga bayan sa Rizal at Laguna na nasa tabi ng lawa sapagkat ito ang kanilang ikinabubuhay.
Sagana sa isda gamit ang iba’t ibang pamalakaya tulad ng pukot, baklad, sakag, pante, suklob, salakab, at iba pang uri ng panghuli ng mga isda na ginagamitan ng lambat.
Kabilang sa mga nahuhuli sa Laguna de Bay (bukod sa mga suso, tulya, at hipon na pagkain ng mga inaalagaang itik), ay kanduli, dalag, ayungin, biya, karpa, dulong, buwan-buwan, bangus, bidbid, kambungayngay, tilapia talilong, gurami at iba pang isda na sumasabay sa agos ng tubig-alat mula sa ilog Pasig.
Sa nakalipas na taon, normal ang pasok at labas ng tubig-alat sa Laguna de Bay. Sa hapon hanggang gabi papunta sa Laguna de Bay ang agos ng tubig-alat mula sa ilog-Pasig. Sa umaga naman hanggang tanghali, mula sa lawa, ang agos ng tubig ay pabalik sa ilog Pasig. Ang tubig-alat ang nagpapalinaw sa tubig ng lawa. Pumapatay sa mga waterlily.
Dumarami ang mga plankton na pagkain ng mga isda. Kasunod ang pagdami at pagtaba ng mga isda sa lawa sapagkat nakapagparami sila at nangingitlog.Tumutubo rin sa mababaw na bahagi ng lawa ang mga halamang-tubig tulad ng digman at sintas na tirahan at pinamumugaran ng mga hipon na nahuhuli sa sakag. Ang napiling malalaking hipon ay isinisigang at iniuulam. Ngunit nang itayo ang Napindan channel, naharang na ang pagpasok at paglabas ng tubig-alat patungo sa lawa.
Ang mga biya at ayungin ay nahuhuli rin ng mga mangingisda sa Laguna de Bay sa pamamagitan ng mga lambat ng kitid.
Kasama ng ibang isdang nahuli, ang mga ayungin at biya ay hinahango sa mga mangingisda. Ipinagbibili sa palengke at ang iba’y inilalako sa bayan. Nagbubukod ng pang-ulam ang mga mangingitid para sa kanilang pamilya. Bukod sa kitid, ang mga biya at ayungin ay nahuhuli rin sa pamamagitan ng biwas at bingwit na ang pain sa taga ay katawan ng maliit na hipon na huli sa sakag. Ang iba’y namamangka sa tabi ng Laguna de Bay at doon nabibingwit ang mga ayungin na kasinlapad ng tatlong daliring pinagdikit at malalaking biya. (Clemen Bautista)