Tatlong holdaper, na hinihinalang konektado sa “Sako Gang”, ang naaresto ng Pasay City Police habang nambibiktima ng isang bus sa panulukan ng Buendia at Roxas Boulevard malapit sa World Trade Center sa Pasay City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Pasay Police Chief Senior Supt. Joel Doria ang mga suspek na sina Alexander Pring, Vince Castro, at Agustin Homok, na nahaharap sa kasong robbery at illegal possession of firearms and explosives sa Pasay Prosecutor’s Office.

Nakumpiska rin umano sa tatlong suspek ang dalawang baril at isang granada, na ginagamit na panakot sa mga pasahero tuwing sila ay manghoholdap.

Dakong 4:00 ng umaga, nagpapatrulya sa lugar ang mga tauhan ng Police Community Precinct-1 nang mapansin ang komosyon sa loob ng isang bus na may rutang EDSA-Baclaran.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Tinutukan umano ng baril ng isa sa mga suspek ang driver ng bus habang nililimas ng dalawang kasamahan nito ang pera at gamit ng mga pasahero.

Hinintay ng awtoridad na makababa ang mga suspek at agad na pinosasan ang mga ito.

Sa panayam sa piitan, hindi na itinanggi ng tatlong suspek ang kanilang panghoholdap, at inaming may kasabwat silang taxi driver na tumutulong sa kanilang pagtakas. (Bella Gamotea)