MAHIYA naman sana ang mga “epal candidates” na nagkakabit ng kanilang campaign materials sa mga maling lugar o yung gumagamit ng maling campaign materials, ayon sa Commission on Elections (Comelec). No to “epal-itiko(s)”! Huwag iboto ang mga pasaway sa pangangampanya at gumagamit ng maling campaign materials.
Naghahanda na ang mga “presidentiables” at kani-kanilang kampo sa darating na kampanya na opisyal na magsisimula sa Pebrero 9.
Nanawagan si Comelec Chairman Andres Bautista sa mga mamamayan na i-report o magpadala ng litrato ng mga ipinagbabawal na campaign materials at ipadala ito sa official website, Facebook page, at Twitter account ng Comelec upang mabigyang aksiyon.
“Take photos of violators and provide us details. We will act on them,” pangako ng Comelec.
Ayon kay Bautista, hindi dapat nagkakabit ang mga kandidato at kanilang mga tagasuporta ng mga poster sa mga puno at halaman at iba pang lugar na hindi nakapaloob sa Comelec-designated common poster areas.
Ang illegal posting at parang illegal parking na rin.
Bukod diyan, ipinagbabawal din ang labis na paggamit ng plastic materials at iresponsableng pagtapon ng campaign materials.
No to toxic materials, no to “political waste.”
Ilegal din ang pagkakabit o paglalagay ng campaign materials sa mga pribadong ari-arian ng walang perimiso mula sa may-ari nito, dagdag ni Bautista.
Gamitin ang sariling pag-aari at huwag mag-trespassing.
Ipinagbabawal din, ayon sa Comelec, ang paglalagay ng litrato o pangalan ng mga kandidato sa mga proyektong isinasagawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Huwag mang-angkin o kung meron man ay huwag ipangalandakan ang serbisyo. No to “selfie” at selfishness.
“The prohibited form of propaganda contemplated in this section include any names, images, logos, brands, insignias, color motif, initials and other forms of identifiable graphical representations placed by incumbent national and local officials on any public structures or places,” ayon sa resolusyon ng Comelec. (FRED M. LOBO)