Kulong ang isang pulis at dalawang sibilyan na nasakote ng mga tauhan ng Baguio City Police Office matapos holdapin ang isang gold buyer sa Baguio City nitong Miyerkules.
Kinilala ni Senior Superintendent George Daskeo, city director, ang nadakip na si Police Officer 2 Reynaldo Pilapil Daming, Jr., nakatalaga sa Aviation Security Group ng Ninoy Aquino International Airport (ANIA), Pasay City. Ang mga kasabwat niyang sibilyan ay sina Michael Kahipo Catugna at Efren Deallia Sidatantes, pawang taga-Parañaque City.
Ayon kay Daskeo, ini-report sa kanila ng biktimang si Gina Captura Estole, 33, may-ari ng Gina Trading Gold Buy and Sell sa Upper Magsaysay, Baguio City, ang panghoholdap ng tatlong suspek dakong 10:15 ng tanghali noong Pebrero 3.
Nasa loob ng tindahan ni Estole si Jaquelyn Rosado, 53, laborer, ng Ampucao, Itogon, Benguet, at nagbebenta ng ginto, nang pumasok ang mga suspek at agad silang tinutukan ng baril. Tinangay ng mga ito ang isang raw gold na nagkakahalaga ng P200,000, isang Samsung cellphone, at P70,000 cash.
Sa mabilis na follow-up operation ng Police Station 7 ng BCPO, natunton ang mga suspek habang sakay sa asul na Nissan van, na may plakang AJA-597, sa gate ng Camp John Hay.
Nabawi sa mga suspek ang mga tinangay mula sa mga biktima at isang Glock 17 (9mm) na baril ni Daming.
“Ang nakakapagtaka dito ay kung bakit dumayo pa ang tatlong suspek sa Baguio para lang mangholdap at imbes na tumakbo palabas ng lungsod ay nasakote sila patungong Loakan Airport. Pinapa-verify ko rin sa LTO ang sasakyang gamit nila na sinasabing pag-aari daw ng isang opisyal na pulis,” paliwanag ni Daskeo.
Nabatid na pulis din ang asawa ni Daming na nakatalaga sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Manila.
Iniutos ni Daskeo ang masusing imbestigasyon sa mga buyer at seller ng ginto sa lungsod sa posibilidad ng pakikipagsabwatan sa mga holdaper. (Rizaldy Comanda)