Umapela kahapon ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa presidential candidate na si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na pangalanan ang tatlong police general na isinasangkot nito sa ilegal na droga.

Sinabi ni PNP Chief Director General Ricardo Marquez na mahalaga ang impormasyon na maibibigay ni Duterte sa pagsasagawa ng imbestigasyon hinggil sa umano’y pagkakasangkot ng senior police officials sa ilegal na gawain upang maberipika ang alegasyon ng alkalde.

“We appeal for those who have information of illegal activities of our personnel to provide us sufficient information and evidence necessary for us to file charges against them and subsequently impose to them the appropriate punishment,” pahayag ni Marquez.

Naiulat na sinabi ni Duterte na mayroon siyang pinanghahawakang impormasyon hinggil sa pagkakasangkot ng tatlong police general sa illegal drug trade, subalit tumanggi itong pangalanan ng alkalde.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Binalaan din ni Duterte na sakaling may plano ang tatlong police general na magtayo ng shabu laboratory sa Davao City ay inihanda na niya ang libingan ng mga ito.

Sa kanyang panig, sinabi ni Marquez na hindi niya palalagpasin ang pagkakasangkot ng mga pulis sa ilegal na gawain, lalo na kung may kinalaman ito sa droga.

Iginiit naman ni Chief Supt. Wilben Mayor, tagapagsalita ng PNP, na wala pa silang natatanggap na impormasyon na magpapatibay sa alegasyon ni Duterte.

“I hope the accusations can be substantiated. The information should be validated as we should have tight case against them,” pahayag ni Mayor sa press conference sa Camp Crame, Quezon City. (AARON RECUENCO)