Ang pagpatay o pagtanggal ng “aging”cells sa katawan ay maaaring makapagpahaba ng buhay, napag-alaman sa bagong pag-aaral na unang isinagawa sa daga.
Sa pamamagitan ng mga daga, gumamit ang mga mananaliksik ng isang gamot na may kakayahang pumatay ng sinasabing “aging” cells. Ang mga dagang sumailalim dito ay mas matagal na nabuhay kumpara sa mga daga na hindi tinanggalan ng aging cells, base sa resulta ng pag-aaral.
Gayunman, kinakailangan pang pag-ibayuhin ng mga researcher ang kanilang pag-aaral kung epektibo rin ba ito hindi lamang sa mga daga.
Ang gamot na ginamit nila para tanggalin ang aging cells ng mga daga ay maaaring naging epektibo dahil ang mga daga ay transgenic, at ang mga researcher “can’t make transgenic humans,” paalala ni Christin Burd, assistant professor ng molecular genetics sa The Ohio State University. Sa madaling salita, wala pang kasiguraduhan kung tatalab ito sa tao.
Ang “aging” o senescent, ang cell na pinag-aralan ng mga researcher sa isinagawang pag-aaral ay dysfunctional cells na tumitigil sa pagkakahati o pagdami, at iniuugnay sa age-dependent disease.
Ang mga naging resulta ay nagpapakitang “the removal of senescent cells does indeed delay aging and increase healthy life span,” ayon kina Jesus Gil at Dominic Withers, mga clinical science professor sa Imperial College London.
(LiveScience.com)