Dalawang pinaghihinalaang miyembro ng New People’s Army (NPA) ang napatay nang salakayin ng mga tauhan ng 2nd Infantry Battalion (2IB) ang isang umano’y kampo ng mga rebelde sa Bato, Camarines Sur, noong Miyerkules ng hapon.

Ayon kay Lt. Col. Angelo Guzman, public information officer ng Southern Luzon Command (SolCom), nangyari ang engkuwentro dakong 12:50 ng hapon sa Barangay San Isidro, Bato.

Matapos ang ilang minutong bakbakan, sinabi ni Col. Perfecto Penaredondo, commanding officer ng 2IB, na nakarekober ang Army ng bangkay ng dalawang rebelde subalit bigo ang militar sa pagkakakilanlan ng mga ito.

Tumagal lamang ng 20 minuto ang bakbakan, ayon sa ulat ng militar.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Nabawi rin ng mga sundalo sa lugar ng engkuwentro ang apat na M-16 rifle, limang combat pack, isang laptop at mga subersibong dokumento.

Sinabi ni Penaredondo na isang pansamantalang kampo ng mga rebeldeng komunista ang kanilang nakubkob sa naturang opensiba.

Ipinag-utos naman ni Col. Claudio Yucot, commanding officer ng 901st Infantry Brigade, ang pagtugis sa mga nakatakas na rebelde na pinaniniwalaang nasa likod ng pangongotong sa mga residente sa Bgy. San Isidro. (Danny J. Estacio)