Dismayado ang mga health worker na tinaguriang “Morong 43’’ matapos ibasura ng Office of the Ombudsman ang kasong pagnanakaw at pangto-torture na isinampa nila laban kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at umano’y mga kakutsabang sundalo.

Ayon sa Morong 43, hindi dapat ibinasura ang kaso dahil malinaw na ilegal ang pag-aresto sa grupo nila ng mga doktor at health worker anim na taon na ang nakakaraan.

Ayon kina Community Medicine Development Foundation (Commed) Chief Dr. Julie Caguiat at Council for Health and Development (CHD) executive director Dr. Eleanor Jara, sa pag-absuwelto ng Ombudsman kina Arroyo, dating Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Victor Ibrado, at dating Philippine Army (PA) commanding general Lt. Gen. Delfin N. Bangit, at mga tauhan ng mga ito, ay nabalewala ang dinanas nilang hirap simula nang mahuli, piniringan, ipiniit nang 10 buwan at isinailalim sa mga sesyon ng interogasyon at pagpapahirap.

Hindi rin umano naibalik ang mga personal nilang gamit na kinumpiska ng militar matapos silang hulihin.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Kinondena naman ng grupo si Ombudsman Conchita Carpio Morales matapos ideklara nito na “kulang ng dahilan at ebidensiya” ang mga akusasyon ng Morong 43.

Pangit na mensahe umano ito para sa mga biktima, tagapagtaguyod ng karapatan, at sambayanang Pilipino.

Samantala, sinugod ng Morong 43 at mga tagasuporta ang Quezon City Hall of Justice kahapon ng umaga upang igiit na ituloy ang Judicial Dispute Resolution sa sala ni Presiding Judge Madonna Echiverri, ng QC Regional Trial Court Branch 81, para sa civil case laban sa dating Pangulo.

Ayon kay Morong 43 Spokesperson Dr. Alex Montes, tuloy pa rin ang kaso laban kay Arroyo, sa mga heneral, at sa iba pang mga kakutsaba sa paglabag sa karapatang pantao, hanggang sa makamit nila ang katarungan. (Chito A. Chavez)