NOONG nakaraang taon, nakilala ni Korina Sanchez-Roxas ang batang si John James Cabahug sa Jugan, Consolacion, Cebu.
Anim na taong gulang pa lamang si John James na ipinanganak na putol ang kaliwang binti, at dala ng sobrang kahirapan ay gumagamit siya ng saklay na kanyang ginawa sa bahay.
Agad napaiyak si John James at kanyang ina nang tanungin siya ng misis ni Mar Roxas kung nais ba niyang magkaroon ng binti at paa. Pagkatapos ay agad-agad nang nakipag-ugnayan si Koring at ang Rated K sa alkalde ng Cebu at mga doctor upang mapagkalooban si John James ng artificial legs.
Pagkaraan ng isang taon, muling bumalik sa Consolacion si Koring at binisita siya ni John James at ina nito habang nagsasalita siya sa isang grupo ng kababaihan.
“Ang saya ng reunion namin,” kuwento ng beteranang broadcast journalist. “Naglalakad na ngayon si John James nang may confidence. Tinanong ko pa siya kung nagbabasketbol na siya. Siyempre tumango siya at ngumiti. ‘Tapos nag-iyakan silang mag-ina dahil sa tuwa.”
Ayon kay Koring napakalaking bagay para sa isang bata na makalakad na kagaya ng kanyang mga kalaro.
“Mababago ang kanilang buhay. Php25,000.00 ang halaga ng isang leg. Kung mayroong nais tumulong sa isang bata, maaari kaming kontakin at kami na ang gagawa ng lahat at magbibigay kami ng kumpletong report sa sino mang ibig tumulong dahil napakadaming batang naghihitay ng tulong.”
Sa mga gustong mag-donate ng artificial leg, tumawag lamang kina Jannice Fortes (09052750220) at Juliet Delos Santos (09178276247). (Ador Saluta)