Nagpasya ang Commission on Elections (Comelec) na muling ipatupad ang dating pamantayan sa airtime limit ng mga kandidato para sa national at local elections ngayong taon.
Batay sa Comelec Resolution 100-49, na nagsisilbing implementing rules and regulations ng Fair Elections Act, gagawing kada broadcast network o originating station ang basehan sa airtime limit sa patalastas ng mga kandidato sa halalan sa Mayo 9 at hindi na ang kabuuang ads sa lahat ng broadcast network.
Salig sa resolusyon, ang mga kandidato sa pambansang posisyon ay mayroong hanggang 120 minutong air time advertisement sa kada istasyon ng telebisyon, at 180 minuto sa bawat istasyon ng radyo.
Ang mga kandidato naman para sa lokal na posisyon, ay mayroong 60 minutong air time advertisement limit sa bawat istasyon ng telebisyon, at 90 minuto sa kada istasyon ng radyo.
Kinakailangan na ang patalastas ay samahan ng malinaw na mga katagang “political advertisement paid for,” at dapat sundan ng totoong pangalan ng kandidato o partido na makikinabang sa election propaganda.
Magsisimula ang campaign period para sa mga pambansang posisyon (president, vice-president, senators at party-list groups) sa Pebrero 9 habang ang mga lokal na kandidato ay pahihintulutang mangampanya simula sa Marso 26.
Samantala, sinabi ni Comelec Spokesman James Jimenez na pinahaba nila ang voting hours mula sa dating walo ay gagawing sampung oras ang botohan, dahil inaasahang mas maraming boboto sa presidential polls.
Magbubukas ang mga presinto sa halalan, ganap na 7:00 ng umaga at magsasara 5:00 ng hapon, mula sa dating 7:00 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon.
Posible ring palawigin ang voting hours kung talagang marami pang botante.
Nilinaw ni Jimenez na papayagan pa ring makaboto ang mga nasa 30-meter radius mula sa mga presinto pagsapit ng 5:00 ng hapon sa Mayo 9. (MARY ANN SANTIAGO )