KASUSULAT lang namin noong Miyerkules na pinapirma si Kiray Celis ng six-picture contract nina Mother Lily Monteverde at Ms. Roselle Monteverde-Teo ng Regal Entertainment dahil sa magandang feedback ng trailer ng Love is Blind, may follow-up movie na pala siya kaagad.
Sa Pebrero 10 pa lang ipalalabas ang Love is Blind na pinagbibidahan nina Kiray, Derek Ramsay, Solenn Heussaff at Kean Cipriano pero magiging busy na ulit si Kiray sa launching movie niyang I Love You To Death na si Perci M. Intalan naman ang direktor.
Hindi itinago ng small but terrible actress na si Kiray ang labis niyang pasasalamat sa malaking break na ibinigay sa kanya ng Regal Entertainment pero hindi rin niya itinago ang may himig ng pagtatampong pagbanggit na hindi siya nabigyan ng home studio niyang ABS-CBN ng ganito kalaking project.
“Show nga, hindi nila ako mabigyan, ano ‘to?” banggit ni Kiray. “Kasi never naman po akong naging priority. Ba’t naman ako magtatampo? Kung ginawa nila akong bida du’n, baka ‘ano ba ‘yun, ba’t di nila ako binibigyan? Pero never ko pong na-feel na special ako so, wala pong dapat ikatampo.”
Ano ang pakiramdam na full stardom ang ibibigay sa kanya ni Mother Lily?
“Siyempre, mas pressure na naman po, ito na naman. Sabi ko nga, hindi pa nailalabas ‘yung movie na isa, may bago na naman. Sabi ko, hindi ko nga alam kung okay ba ‘to,” say ng komedyana.
Feeling special siya sa Regal dahil ito ang ipinadarama sa kanya.
“Sobra. I mean, grabe ang Regal. Totoo.”
Kaya na bang magdala ni Kiray ng sariling pelikula?
“Ayoko pong magyabang pero sana. Sabi sa akin ni Kuya Derek, huwag akong mag-alala or huwag akong ma-pressure. Sabi niya sa akin, magdasal lang daw ako, at ‘yun ang lagi kong ipinagdadasal,” sabi ng aktres.
Nasa tamang panahon na ba na magkaroon siya ng sariling pelikula?
“Siyempre, ‘yun ang pangarap ko. Sana ito na ang tamang panahon. Sa tagal-tagal ko pong naging artista, ang tagal ko rin pong hinintay ‘yung panahon na ‘to,” pag-amin ng dalaga.
At tulad ng matagal na niyang sinasabi, si Sam Milby ang gusto niyang maging leading man dahil matagal na niya itong crush at loyal siya sa lalaking gusto at crush niya.
Hindi naman imposible ang wish ni Kiray na si Sam ang leading man niya dahil may kontrata ang aktor sa Regal Entertainment.
O, di ba, after Derek, si Sam naman. Sino kaya ang susunod? (REGGEE BONOAN)