SA nakalipas na mga linggo, nagkokomento ang mga kandidato sa pagkapangulo tungkol sa iba’t ibang usapin sa layong mapansin ng mga botante, para manalo sa halalan sa Mayo 9, 2016. Lahat ay naghahangad ng mabuting pamahalaan, kontra sa katiwalian, at handa sa pagpigil sa pagkalat ng ilegal na droga at krimen, binibigyang-pansin ang masa, at determinadong itaguyod ang pambansang soberanya sa mga bansang mayroon tayong ugnayang diplomatiko.
Ang gusto naming marinig sa kanila ngayong magsisimula na ang pangangampanya ay ang mga kongkretong programa ng pagkilos sa mga balak nilang isagawa kung mahahalal. Ito ang panahon upang tukuyin ang mga tiyak na plano.
Sinasabing ang pinakamalaking problema ngayon ng bansa ay kahirapan. Paano ipadarama sa masa ang kumplikadong estadistikang pang-ekonomiya at ang ang matataas na bilang ng Gross Development Program (GDP) figure sa pamamagitan ng pagpapataas sa antas at kondisyon ng kanilang buhay?
Batay sa Labor Force Survey na inisyu ng Philippine Statistics Authority noong Oktubre 2015, 5.6% ng working population ang walang trabaho o hindi sapat ang kinikita upang buhayin ang sarili at pamilya, at mas mataas ang antas sa mga rehiyon ng Ilocos at Calabarzon kaysa pambansang kalipunan—8.5% at 7.8%. Ito ay dahil sa kakulangan ng sapat na lokal na trabaho sa bansa kaya naman libu-libong Pilipino ang naghahanap ng trabaho araw-araw sa ibang bansa.
Ang Pilipinas ay isang agrikulturang bansa at dapat lamang na ang ating mamamayan ay magkaroon ng mabuting trabaho sa mga sakahan. Ngunit ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA), 1.6% lamang ang inilago ng sektor ng agrikultura mula 2011 hanggang 2015. Noong nakaraang taon, ang paglago ay 0.2% lamang. Ipinangako ng administrasyong Aquino na makakamit natin ang rice self-sufficiency noong isang taon, ngunit kailanman ay hindi ito natupad.
Ang kumbinasyon ng mga programa para maibsan ang kahirapan at mapasigla ang produksiyon ng agrikultura ay makatutulong nang malaki sa bansa. Ang estadistika na nababasa lang natin ngayon ay magiging katotohanan sa mga tahanan at sa mga komunidad.
Kilala na natin ang ating mga kandidato at kung ano ang kanilang punto de vista sa iba’t ibang usapin. Sa susunod na tatlong buwan ng kampanya, asahan nating maririnig natin sa kanila ang tungkol sa kanilang mga tiyak, kongkreto, at detalyadong plano sa iba’t ibang pangangailangan ng bansa, ngunit higit sa lahat, ang kanilang mga plano sa mga proyektong pangkabuhayan at kontra kahirapan, at mas mahusay na pangangasiwa sa mayaman nating yamang agrikultural upang magkaroon ng mas maayos na buhay ang ating mamamayan.