Tapos na ang paghihintay ng mga differently-abled athletes sa kanilang insentibo.
Ipinahayag kahapon ni Philippine Sports Commission (PSC) Executive Director Guillermo Iroy, Jr. na matatanggap na ang cash incentive para sa mga medal winner sa nakalipas na 8th AEAN ParaGames sa Singapore.
May kabuuang 16 na ginto, 17 pilak at 25 tansong medalya ang napagwagihan ng delegasyon sa biennial meet na ginanap noong Disyebre 3-9.
Ayon kay Iroy umabot sa P6,783,750 ang insentibong ipamamahagi sa mga atleta ng PHILSpada-NPC Philippines (Philippine Sports Association for the Differently Abled—National Paralympic Committee of the Philippines) sa payak na seremonya ngayon sa Philsports Arena.
Ito ang pinakaunang pagkakataon na makakatanggap ng insentibo ang differently-abled athletes base sa naturang batas na pinirmahan ni Pangulong Benigno Aquino III para palitan ang dating RA 9064 o National Athletes, Coaches and Trainers Benefits and Incentives Act of 2001. (ANGIE OREDO)