Dahil sa matinding selos, inutas ng isang tomboy ang tatlong kaanak ng kanyang ka-live in na pulis, at nakipagbarilan pa siya sa Calape, Bohol, noong Miyerkules ng gabi.

Kinilala ni Senior Insp. Cresente Gurrea, hepe ng Calape Police, ang suspek na si Maricel Ramos, 39, ng Barangay Liboron, Calape.

Sinabi ni Gurrea na biglang pumasok si Ramos sa bahay ng kanyang kinakasama na si PO1 Rosalie Guisihan, 33, at walang sabi-sabing pinagbabaril ang 72-anyos na ina ng pulis na si Rosita, sa bahay ng pamilya Guisihan sa Bgy. Ulbujan, Calape.

Makalipas ang ilang segundo, pinagbalingan naman ng galit ni Ramos ang kapatid ni Rosalie na si Joel, 46, na ilang beses niyang pinutukan gamit ang isang .9mm pistol, gayundin ang isa pang nakatatandang kapatid ng police woman na si Vicente, 51-anyos.

National

Dalawang kabaong na nakahambalang sa NLEX, nagdulot ng trapiko

Napatay si Joel habang si Vicente ay nagpapagaling ngayon sa isang ospital sa Tagbilaran City.

Ayon sa pulisya, ang .9mm Glock pistol na ginamit ni Ramos sa pamamaril ay pag-aari ng police woman.

Nang tumakas si Ramos sa lugar, hinabol siya ni Rosalie sa bahay nito sa Bgy. Liboron subalit agad na nakaresponde at namagitan si Senior Supt. Dennis P. Agustin sa mag-syota.

Habang nagaganap ang negosasyon sa kanyang pagsuko, pinutukan umano ni Ramos ang mga pulis kaya ginantihan siya at napatay dakong 7:15 ng gabi nitong Miyerkules.

Sinasabing naburyong si Ramos dahil hindi umano sinasagot ng police woman ang tawag ng tomboy makaraang italaga ang pulis bilang security sa 51st International Eucharistic Congress (IEC) sa Cebu hanggang Enero 31.

(Mike Ortega Ligalig)