PAGKATAPOS ng Q and A sa presscon ng Dolce Amore serye nina Liza Soberano, Matteo Guidicelli at Enrique Gil ay pinagkaguluhan si Sunshine Cruz para hingan ng komento sa pagbasura ng piskalya sa kasong child abuse (R.A 7610) at Anti-Violence Against Women and Their Children (R.A. 9262) na isinampa niya laban kay Cesar Montano na tatay ng mga anak niya.
Matatandaang isinampa noong nakaraang taon ang mga naturang kaso dahil diumano sa lewd acts na ginawa ni Cesar sa harap ng mga anak.
Si Assistant City Prosecutor Ferdinand Baylon daw ang lumagda sa resolusyon para maabsuwelto si Cesar laban sa bintang ni Sunshine.
“My lawyer is taking care of it,” sabi ni Sunshine. “Actually, alam ko na siya two weeks ago, so surprising na ngayon lang lumabas. But I knew it.”
Ano ang dating sa kanilang mag-iina na ibinasura ang kaso?
“Well, of course, it’s a shock to us. Kasi we all know na we have all the evidences, di ba? Pero it’s okay dahil ano naman, nandiyan naman ang lawyer to fix it, and do something,” pahayang ng aktres.
Matinding dahilan kaya naabsuwelto si Cesar sa kaso dahil hindi raw pinayagan ni Sunhine na mag-witness ang mga anak nila para patunayan ang akusasyon nila.
“Of course, it’s not me who’s willing. The kids are the ones who are willing.
But we weren’t able to have that chance, eh. So, it’s really shocking and surprising to us.
“Di ba kasi, kapag child abuse case, it’s really impossible to be junked, di ba? Parang it’s something na dapat ay pina-prioritize, eh. So, whatever it is, nandiyan naman ang lawyer ko to fix everything,” katwiran ni Sunshine.
Iniapela ni Sunshine ang kaso kaya hindi pa tapos ang laban nila sa korte ni Cesar.
“Yes, for the kids,” mabilis na sagot ng aktres.
At nang kumustahin ang mga anak niya, “They are doing well in school, they are happy kids now, honor students sa La Salle. Open naman kasi kami to each other, open ako sa kanila, and they know what’s happening. I always tell them that mahal sila ng tatay nila at marami lang talagang pinagdadanan bago maayos ang relationship.”
Ang hinihiling pa ni Sunshine, sana raw ay makipag-cooperate si Cesar sa annulment case nila dahil matagal na niyang tinatrabaho ito.
“Sana bago man lang ako mag-40 ay maging malaya na ako, I believe I deserve freedom.”
At tungkol sa usaping pinansyal, “Hindi ba lagi niyang (Cesar) sinasabi may gag order, let’s respect the gag order.
At ang reaksiyon nina Cesar at Sunshine kapag nagkikita sila every month sa kote, “invisible, wala lang,” kaswal na sabi ng aktres.
Samantala, malaking palaisipan sa entertainment press na dumalo sa Dolce Amore presscon kung ang paano naging anak ni Sunshine si Enrique at asawa niya si Andrew E na isang OFW. Tiyak na maraming twists sa istorya ng serye dahil marami silang ayaw isiwalat tungkol sa roles nina Sunshine at Andrew E.
Ito ang unang teleserye ni Andrew E, abangan natin kung ano ang sorpresang dadalhin niya sa primetime.
Bukod kina Sunshine, Liza, Enrique, Matteo, at Andrew E, kasama rin sina Edgar Mortiz, Kean Cipriano, Frenchie Dy, Rio Locsin, Ruben Maria Soriquez at Ms. Cherie Gil mula sa direksiyon nina Cathy Garcia Molina at Mae Cruz-Alviar handog ng Star Creatives. (Reggee Bonoan)