Hindi pa nawawalan ng pag-asa ang mga may-akda ng panukalang batas na naglalayong ibaba ang legal na edad ng senior citizen sa 56-anyos, mula sa kasalukuyang 60 taong gulang.
Nais ni Ako Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe na maipasa ang House Bill 6340 na aamyenda sa RA 7432 (Senior Citizens Act) na tumutukoy sa isang senior citizen na hindi bababa sa 60 anyos.
“Hindi ko inaasahang maipapasa ito ngayon ngunit tiyak na muli itong ipa-file sa ika-17 Kongreso,” ani Batocabe.
Layon ng HB 6340 na ibaba ang edad sa pagreretiro sa 56 mula sa 60 anyos, at maagang magiging kuwalipikado ang mga ito sa pagtanggap ng mga benepisyong tinatanggap ngayon ng isang senior citizen.
Ayon kay Batocabe, chairman ng House Special Committee on Climate Change, sa panahon ngayon ay nagkakasakit na ang mga edad 56 pataas, kaya kailangan na rin nila ang mga benepisyong sakop ng R.A. No. 7432.
Binigyang diin ng Bicolanong mambabatas na 6.8 porsiyento ng populasyon ng bansa ay mga senior citizen.
Sa panukala, madadagdagan ng 3,000,000 ang kasalukuyang benepisyaryo ng Senior Citizens Act, ngunit dapat ay may sapat itong pondo.
Binanggit din niya na ang mandatory retirement age para sa mga miyembro ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas at Philippine National Police ay 56. (Ben R. Rosario)