KAHIT absent si JM de Guzman sa presscon ang pelikulang Tandem na siya mismo ang bida, ay halos siya ang laman sa Q and A portion. Ibig sabihin, talagang marami ang nagmamahal at nag-aabang na entertainment reporters sa kanya.
Love si JM ng media dahil wala siyang inagrabyado o never siyang nagpakita ng kagaspangan ng ugali at higit sa lahat, malambing siya. Kaya marami ang nagulat nang malamang nagkaroon ng matinding problema ang aktor at higit sa lahat, marami ang nanghihinayang dahil napakagaling niya.
Katunayan, nanalo nang Best Actor si JM sa New Wave category ng 2015 Metro Manila Film Festival.
Kasama si Nico Antonio sa Tandem bilang kapatid ni JM at sila ang magka-tandem sa pang-i-snatch na ikinabubuhay nila.
Napapanahon ang istorya ng Tandem dahil ito talaga ang nangyayari sa lipunang ginagalawan natin, at ang matindi pa kapag lumaban ang biktima ay para bang wala nang choice ang magka-tandem kundi pumatay.
May nagtanong kay Nico sa naging working relationship nila ni JM habang ginagawa nila ang Tandem.
“’Yung sa All of Me, nagulat na nga lang ako talaga, kahit si Rochelle (Pangilinan, leading lady sa Tandem), nagulat din, na bakit nagkakaganu’n si JM, mga bulung-bulong sa set daw, kay Direk Dondon (Santos), ‘yun. Kasi nu’ng sa Tandem, wala kaming ano (problema),” say ni Nico.
Madalas nga raw nilang pag-usapan ni JM si Jessy Mendiola, ex-girlfriend ng una.
“Napaka-happy-go-lucky niya. Ang sarap niyang kakuwentuhan about his personal life, about Jessy.”
Pero hindi na nagbigay ng detalye pa si Nico kung ano ang mga napagkuwentuhan nila ni JM tungkol sa aktres.
Kuwento naman ni Rochelle, wala siyang alam sa nangyari kay JM at sa ginanap na presscon lang niya nalaman ang lahat.
“Actually, nagulat ako, ngayon ko lang naman talaga nalaman! Hindi ko talaga po alam. Actually, nanghihinayang ako, nakakalungkot kung ganu’n nga talaga ang nangyari. At alam ko naman na ipagdadasal ko rin na makabangon at makabalik siya agad,” sabi ng alaga ni Perry Lansigan.
Wala ring naging problema ang direktor ng Tandem na si King Palisoc kay JM nang i-shoot nila ang pelikula last year.
“Malayung-malayo (sa mga tsismis) ‘yung experience namin nu’ng ginagawa namin ang pelikula,” sabi ni Direk King.
“Never akong nag-adjust or nagkaroon siya ng tantrum, wala. In fact, napansin ko nga, sobra siyang conscious tuwing nagsu-shoot kami, lagi siyang nagtatanong kung okay ba ang ginawa niya. Pero in terms of behavior, ‘yung personality, sobrang–sobrang okay siya and I think, he was coming off Tadhana.”
May communication daw sina Direk King at daddy ni JM at ibinalitang nanalo ang anak sa New Wave category nitong nakaraang MMFF.
“Siyempre natuwa kami. Kasi, actually kami, ‘di na namin masyado nakakausap si JM. Actually, sobrang malaking tulong sa amin na kahit papaano, meron pa rin siyang presence. Kasi, especially since sa Tandem, ito iyong pinakamagandang performance sa tingin ko na ginawa ni JM,” kuwento ni Direk King.
Nabanggit din na kahit wala si JM sa presscon ay tumutulong din ito sa promo ng pelikula dahil nag-post ito sa social media ng poster ng movie.
Nagkaroon ng premiere night ang Tandem sa Montreal, Canada noong nakaraang Setyembre at ipalalabas naman dito sa Pilipinas simula sa Pebrero 17, produced ng Quantum Films,Tuko Film Production at Buchi Boy Films at nakakuha ng Graded A sa Cinema Evaluation Board.
Bukod kina JM at Nico ay kasama rin sa Tandem sina Elora Espano, Allan Paule, Paolo O’Hara, BJ Forbes, Karl Medina at Dennis Marasigan. (Reggee Bonoan)