CAMP GEN. ALEJO SANTOS, Bulacan – Arestado ang isang lalaking umano’y pumatay ng kanyang asawa at biyenang babae sa operasyon ng mga pulis-Bulacan sa Metropolitan Medical Center sa Sta. Cruz, Maynila nitong Enero 31, iniulat kahapon.

Sa report ni Bulacan Police Provincial Office director, Senior Supt. Ferdinand Divina, kinilala ang suspek na si Rommel C. Layug, alyas “Alvin”, nasa hustong edad, may asawa, walang trabaho, ng Malolos City.

Pinatay umano ng suspek ang asawa niyang si Gloria Camposano Layug, 29, OFW; at ina nitong si Norma Chavez Camposano, 68, may asawa, pawang taga-Capricorn Street, Saint Agatha Homes, Barangay Tikay, Malolos City.

Sa report ni Supt. Arwin Tadeo, hepe ng Malolos City Police, dakong 9:00 ng umaga nitong Enero 23 nang magtalo ang mag-asawa dahil sa isyu ng third party.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Nagpasya si Gloria na makipaghiwalay sa asawa ngunit maaari pa ring manatili ang suspek sa kanilang bahay sa Tondo, Maynila.

Enero 29 nang bumalik ang suspek sa Malolos at pinagbabaril ang kanyang asawa at biyenan gamit ang isang .9mm caliber Taurus. Agad tumakas na ang suspek matapos ang insidente.

Agad nakipag-ugnayan ang Malolos Police sa Manila Police District (MPD)-Station 2 sa Sta. Cruz upang mahuli ang suspek.

Dakong 10:00 ng umaga nitong Enero 31, napag-alamang dinala si Layug sa Metropolitan Medical Center matapos magtangkang maglason habang nagtatago sa Vista Hotel sa Sta. Cruz.

Sinampahan na nitong Lunes ng murder at parricide ang suspek, na naka-hospital arrest sa nabanggit na ospital at bantay-sarado ng mga pulis-Bulacan. (FREDDIE C. VELEZ)