Ihahayag ni dating Pangulo at ngayon ay Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada sa Lunes, Pebrero 8, ang presidential candidate na ieendorso niya para sa eleksiyon sa Mayo 9.
Ayon kay Estrada, sa ngayon ay wala pa siyang desisyon kung sino ang kanyang susuportahang kandidato para sa presidential race.
Gayunman, sinabi niyang masusi na niya itong pinag-aaralan sa ngayon.
Posible aniyang maihayag niya ang susuportahang kandidato sa Pebrero 8, o isang araw bago ang pormal na pagsisimula ng campaign period para sa national candidates sa Pebrero 9.
Una nang sinabi ni Estrada na dalawa na lang ang pinagpipilian niyang suportahan sa nalalapit na halalan.
Ang dalawang ito ay ang inaanak niya na si Senator Grace Poe, at ang kanyang matalik na kaibigan na si Vice President Jejomar Binay.
Ito ay kahit una nang napabalita na si Mar Roxas ang kanyang pambato sa presidential polls, na mariin namang pinabulaanan ng alkalde.
Maraming kandidato ang naghahangad na maiendorso ng dating pangulo na malakas pa rin ang hatak sa masa.
(MARY ANN SANTIAGO)