Patay ang isang babae na umano’y asset ng pulis makaraang tambangan at pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang lalaki, ilang metro lamang ang layo sa police headquarters sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.
Inilarawan ni Insp. Dennis Javier, commander ng Police Community Precinct (PCP) 2, ang biktima na nasa edad 18 hanggang 23, 4’8” ang taas, katamtaman ang pangangatawan, kayumanggi, nakasuot ng silver na relo, itim na damit, shorts na maong, at tadtad ng tattoo sa katawan.
Nagtamo ito ng tama ng bala ng cal. 45 sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan at sinasabing asset ito ng Navotas Police.
Ayon kay Insp. Javier, bandang 2:45 ng madaling araw nang makarinig sila ng magkakasunod na putok ng baril sa Hiwa St., Barangay Longos, Malabon City.
Lumalabas sa imbestigasyon na naglalakad ang babae nang salubungin at biglang pagbabarilin ng suspek ilang metro lamang ang layo sa PCP 2.
“Rumesponde kami at nakita na namin na patay na ‘yung victim, tapos wala na ‘yung bumaril. Nakatakas na bago pa lang kami dumating,” ani Javier.
May hinala ang mga pulis na posibleng may naipakulong ang biktima kung kaya’t gumanti ang mga kakutsaba ng gunman sa kanya. (Orly L. Barcala)