Nag-hunger strike kahapon ang mga guwardiya ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City upang igiit sa gobyerno ang pagpapatupad ng Bureau of Corrections Act of 2013 na BuCor Modernization Law o Republic Act 10575.

Sa nasabing batas, nilagdaan ni Pangulong Benigno Aquino III noong May 2013, nakapaloob ang pagpapataas sa sahod ng mga empleyado ng BuCor ngunit hindi pa rin ito naipatutupad.

Sinimulan nila ang protesta noong Pebrero 2 sa tanggapan ng NBP, hawak ang mga karatula na nagsasabing “Set us free from hunger and poverty: BuCor Modernization, ipatupad na.”

“Saan patungo Ang BuCor ay isang Susunod pang Mga taon kung hindi na ipatupad Ang RA 10575 BuCor Modernization Law “ at “ Ipatupad RA 10575: BuCor Modernization Law Act of 2013.”

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sila ay nakikiusap kina Pangulong Aquino at Department of Budget and Management (DBM) Secretary Florencio Abad upang pabilisin ang pagpapatupad ng nasabing panukala.

Kinausap naman nina BuCor Director Ricardo Rainier Cruz III at NBP Supt. Richard Schwarzkopf Jr. ang mga empleyado tungkol dito at sinabing natagalan ang pagpapatupad nito dahil humingi ang DBM ng karagdagang requirements.

Aniya, “go-signal” na lamang ng DBM ang kanilang hinihintay. (Jonathan M. Hicap)