MAINIT ang naging pagtanggap ng daan-daang Pinoy rider kay five-time MotoGP champion Jorge Lorenzo sa tatlong araw na pagbisita nito sa Pilipinas nitong nakaraang linggo.
Mula sa kanyang pagdating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) hanggang sa kanyang official engagement bilang endorser ng Yamaha motorcycles sa Pasig City at Carmona, Cavite, dinumog pa rin ng Pinoy riding fans ang 26-anyos na Espanyol.
“Magandang umaga! Mabuhay!” binigkas ni Lorenzo, ng Team Movistar Yamaha, sa dinner na pinangunahan ni Yamaha Motor Philippines President Toru Osugi sa Marco Polo Hotel sa Pasig City noong Biyernes.
Nagkaroon ng autograph at selfie sessions sa naturang pagtitipon kasama si Lorenzo.
Ikinokonsiderang pinakaprestihiyosong motorcycle race sa buong mundo, limang beses nasungkit ni Lorenzo ang kampeonato ng MotoGP, at ang pinakahuli ay noong 2015, na kabakbakan niya sa championship title ang kanyang team mate, ang Italyanong rider na si Valentino Rossi.
Nitong Sabado, mala-rock star din ang pagsalubong ng mga Pinoy motorcycle enthusiast kay Lorenzo sa Carmona Racing Circuit na Cavite. Suot ang kanyang official Yamaha racing leather, nagpakitang-gilas si Lorenzo ng kanyang superb riding skills sa mga spectator at humataw ng 10 laps sa CRC lulan ng race-ready na Yamaha YZF-R15 sport bike.
Sa tulin ng takbo, halos ihiga ni Lorenzo ang motor sa mga kurbada, at nagmistulang isang MotoGP grand prix ang nagaganap sa mga oras na iyon.
“I hope that one day, I get to race with the first Filipino MotoGP rider,” ayon kay Lorenzo sa kanyang talumpati matapos ang exhibition run.
Nasaksihan din ng champion rider ang bakbakan ng mga Pinoy talent na sumabak sa Yamaha Grand Prix na ginanap rin sa 1.2-kilometrong race track.
Ito ang unang pagkakataon na bumisita ang simpatikong Spanish rider. (ARIS R. ILAGAN)
[gallery ids="150202"]