MABIGAT ang naging akusasyon ni Sen. Grace Poe na ang ilang kandidato sa pagkapangulo ay nag-iipon ng pondo para sa pangangampanya sa pamamagitan ng illegal drugs. Ang dahilan umano nito ay dahil limitado na ang pinagmumulan ng tinawag niyang “quick money” sanhi ng pag-aalis sa bilyun-bilyong pisong pork barrel at Disbursement Acceleration Program (DAP) mula sa Kongreso at Department of Budget and Management (DBM). Kumbaga sa daloy ng tubig mula sa gripo, natuyo na. Kaya pala, hindi masugpu-sugpo ang illegal drug trade sa bansa.
Sino kaya ang tinutukoy ni Sen. Grace? Nosibalasi? Tiyak na hindi si Davao City Mayor Rodrigo Duterte sapagkat galit si Digong sa mga drug lord at pusher. Sa katunayan nga, sila ang unang haharapin at itutumba kapag nahalal siyang pangulo kasama si Sen. Alan Peter Cayetano. Kung ganoon, alinman kina VP Jojo Binay, Mar Roxas, Sen. Miriam Defensor-Santiago at Rep. Roy Señerez ang pinatutungkulan ni Pulot na nag-iipon daw ng campaign funds mula sa illegal drug trade. Kung ito ay totoo, baka matulad tayo sa Colombia at Mexico. Sumagot kayo.
Ngayon naman ay si Sen. Antonio Trillanes IV ang nasa “hot water”, ‘ika nga.” Bakit kanyo? Ipinaaaresto siya ng Makati City Regional Trial Court Branch 142 kaugnay ng kasong libelo na isinampa ni ex-Makati City Mayor JunJun Binay. Akalain ninyong sinuhulan daw ni JunJun ang dalawang mahistrado ng Court of Appeals ng tig-P25 milyon para mag-isyu ng temporary restraining order upang hindi mapaalis si Junjun sa puwesto?
Kung noon ay si JunJun, kasama ang amang si VP Jojo, ang nasa “hot water” dahil sa mga bintang na kurapsiyon, si Mang Tonyo naman ngayon ang ipinadarakip. Isang taong ginisa ang mag-amang Binay sa komite ni Sen. Koko Pimentel na ang pinakamahigpit sa pagtatanong hinggil sa kickbacks, commission, at tong-pats sa mga pagawaing-bayan sa siyudad, ay si Trillanes. Habang sinusulat ko ito, si Sen. Tonyo ay nasa abroad pa kaya hindi pa siya maaaresto. Handa naman daw niyang harapin ang kaso. Sanay na si Trillanes na makulong, mahigit pitong taon siyang nakulong noong panahon ni Gloria Macapagal-Arroyo. (BERT DE GUZMAN)