Bilang pagkilala sa kanilang kasipagan at dedikasyon sa trabaho, inaprubahan ni Pangulong Aquino ang pagbibigay ng karagdagang bonus sa mga kawani ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ngayong Pebrero.

Sa ika-65 anibersaryo ng DSWD na idinaos sa Malacañang nitong Martes, pinasalamatan ni Pangulong Aquino si Social Welfare Secretary Corazon “Dinky” Soliman at ang mga kawani ng kagawaran sa pagtulong nito sa mamamayan na nasalanta ng kalamidad.

“Ngayon po, hayaan n’yo namang suklian kayo kahit papaano ng estado: Ipinaalala po sa atin ni Executive Secretary, pirmado na po ang anniversary bonus para sa inyong mga kawani ng DSWD,” pahayag ng Pangulo na umani ng masigabong palakpakan sa mga empleyado.

“Sa harap ng mga darating pang pagsubok, nawa’y di kayo panghinaan ng loob, bagkus, magsilbing sandigan ng lakas ng ating mga Boss,” dagdag ni Aquino.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Bagamat hindi binanggit ni PNoy ang halaga ng “anniversary bonus,” ang karaniwang ipinamamahagi ng gobyerno ay nasa P10,000 para sa bawat empleyado.

Sa kanyang talumpati, sinabi ng Pangulo na malaki na ang ipinagbago ng DSWD kumpara noong mga nakaraang administrasyon nang nabahiran ito ng pulitika at nasangkot sa katiwalian.

Dating nanghihingi lang ng donasyon, ipinagmalaki ni Aquino na mayroon nang sariling pondo ang DSWD upang tugunan ang pangangailangan ng mga nasalanta ng kalamidad at ang pagpapatupad ng mga proyekto upang makatulong sa mga maralita.

Aminado pa rin si Aquino na hindi “perpekto” ang DSWD dahil kailangan pa rin nitong iangat ang antas ng disaster preparedness, lalo na matapos mabulok ang relief goods sa mga bodega ng ahensiya sa pananalasa ng super typhoon ‘Yolanda’ noong Nobyembre 2013. (Genalyn D. Kabiling)