NAGDEKLARA ang World Health Organization ng isang pandaigdigang emergency dahil sa malawakang pagkalat ng salot na Zika sa buong South America. Tulad ng mga naunang epidemya ng Ebola, nakaalerto ngayon ang Pilipinas laban sa posibleng pagpasok ng Zika virus sa ating bansa.
Ilang sintomas ng Zika ang pagkakaroon ng mababang lagnat, mga pantal sa balat, sakit sa kalamnan, at pagkapagod—kahalintulad ng mga sintomas ng dengue, na pamilyar na sa Pilipinas. Kung ito lamang ang ginagawa ng Zika sa mga biktima ay hindi ito magdudulot ng pagkabahala sa buong mundo. Ngunit ang Zika ay iniuugnay sa microcephaly, isang kalagayan na ang mga sanggol ay isinisilang na may abnormal na maliit na ulo, may depekto sa utak, at may kapansanan sa paningin. Iniuugnay din dito ang pambihirang karamdaman na umaatake sa nervous system.
Kumakalat ang virus kapag nakagat ang tao ng babaeng lamok na Aedes, kauri ng lamok na nagpapakalat ng dengue, chikungunya, at yellow fever. Ang klase ng lamok na ito ay kalat na kalat sa Americas, maliban sa Canada at Chile.
May 23 bansa na sa South America ang iniulat na apektado ng mga kaso ng Zika, at pinakamarami ang kaso sa Brazil, na sinusundan ng Colombia.
Ayon sa WHO, ang Zika ay “spreading explosively” sa buong Americas, at inaasahang aabot sa apat na milyong bagong panganak na sanggol ang maaapektuhan nito ngayong taon. Malaking problema ito sa Brazil, na magiging punong abala sa 2016 World Olympics sa Agosto. Ang United States ay nakapag-ulat na rin ng hindi bababa sa 31 kaso ng Zika, at lahat sila ay nagkasakit matapos pagkagaling sa mga bansa sa South America na apektado ng virus.
Sa kanilang mga pagsisikap upang kontrolin ang salot na Zika plague, kumilos na ang mga bansa sa South America upang linisin ang mga pangitlugan ng lamok sa pamamagitan ng pagpapausok, at nanawagan sa mamamayan na gumamit ng insect repellent at kulambo. Sa timog-silangang lungsod sa Brazil na Piracicaba, nagpakawala sila ng mga lamok na makamamatay sa kapwa lamok, sa pag-asang makatutulong ito upang mabawasan ang populasyon ng nasabing insekto.
Ngayon pa lamang, inatasan na ni Pangulong Aquino ang Department of Health na gawin ang lahat ng mga posibleng hakbangin upang maprotektahan ang bansa. Tulad noong isang taon na nangamba tayo sa Ebola, inaasahang magkakaroong muli ang DoH ng mga watch station sa mga paliparan upang masuring mabuti ang mga pasaherong manggagaling sa South America at magbigay ng agarang lunas at pangangalaga sa mga may sintomas ng virus. Posible rin ang agarang pagsasagawa ng pagpapausok o fumigation sa mga lugar na maraming lamok.
Malayo ang South America sa Pilipinas ngunit sa panahong ito na madali at mabilis na ang paglalakbay, madali na ring makararating ang Zika saan mang panig ng planeta. Lantad tayo dito dahil maraming overseas Filipino workers(OFWs) saan mang panig ng mundo ngayon at libu-libo sa kanila ay nasa South America. Isang sulyap lamang sa isang kawawang sanggol na nabiktima ng Zika na may maliit na ulo ay sapat na upang gumawa tayo ng mga nararapat na hakbangin upang masigurong hindi makararating sa Pilipinas ang virus na ito.