Habang nagsisimulang magtipun-tipon ang Senado bilang isang impeachment court noong Disyembre 2011, sinimulan na rin ni dating Chief Justice Renato Corona na ubusin ang laman at isara ang ilan sa kanyang mga account sa isang bangko.

Ito ay batay sa mga record ng PSBank na nakuha ng Office of the Special Prosecutor (OSP) ng Ombudsman.

Batay sa mga dokumento, nagbukas si Corona ng isang bank account at isang dollar account sa PSBank-Katipunan branch.

Ang peso account ay binuksan noong Disyembre 22, 2009 na may opening balance na P8.5 million ngunit isinara noong Disyembre 12, 2011. Umabot sa halos P12.58 million ang laman ng bank account.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Nakakuha ang OSP ng kopya ng mga dokumento mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na humiling nito sa PSBank para sa internal revenue purposes matapos magbigay si Corona ng waiver na nagpapahintulot ng pagbubusisi sa kanyang mga bank record.

Samantala, ang dollar account ay binuksan noong Oktubre 31, 2008 na may opening balance na $768,733.96 ngunit isinara noong Disyembre 15, 2011.

Magugunita na pinatalsik sa puwesto ng House of Representatives si Corona noong Disyembre 12, 2011 at isinumite ang Articles of Impeachment nang sumunod na araw sa Senado, na nagtipun-tipon naman bilang isang impeachment court noong Disyembre 14, 2011.

Nagsumite sina OSP Assistant Special Prosecutors III Agnes Autencio-Daquis at Mariter Delfin-Santos sa Sandiganbayan Second Division ng kahilingan na mag-isyu ng subpoena upang ipatawag si PSBank Branch Manager Mary Annabelee Tiongson o ang kanyang authorized representative para patunayan ang mga dokumento.

Hiniling ng mga prosecutor na humarap si Tiongson o ang kanyang mga kinatawan sa Pebrero 11 sa opisina ni Santos sa OSP Building sa Ombudsman compound sa Quezon City at dalhin ang certified true copies ng mga dokumento.

Nahaharap si Corona sa kasong civil forfeiture sa Sandiganbayan Second Division kaugnay sa kanyang diumano’y P130.6 million ill-gotten wealth.

Nag-isyu ang Second Division ng writs of preliminary attachment para i-freeze ang mga ari-arian ni Corona, gayunman P10,354.98 na lamang ang nakita ng mga court sheriff sa mga deposito sa bangko. (JEFFREY DAMICOG)