TARLAC CITY - Dalawang pasahero ng Partas Passenger Bus ang napaulat na nasugatan, bukod pa sa 47 nasaktan matapos magkaroon ng stampede sa biglaang pagliliyab ng sasakyan sa highway ng Barangay San Sebastian sa Tarlac City.
Sa ulat ni PO3 Joey Agnes kay Supt. Bayani Razalan, officer-in-charge ng Tarlac City Police Office, nasugatan sa naturang insidente sina Hazel Ann Aguilar, 17, ng Gapan, Nueva Ecija; at Eloisa Ramos, 42, ng Paranaque City, na agad isinugod sa Tarlac Provincial Hospital.
Hindi na nagpagamot ang 47 pasaherong nasaktan sa stampede, ngunit bakas sa kanilang mga mukha ang matinding takot sa insidente.
Napag-alaman na ang nagliyab na bus (AVZ-985) ay minamaneho ni Joel Villamos, 37, ng Immatos Sur, San Juan, Ilocos Sur.
Dakong 9:20 ng gabi at tinatahak ng bus ang patimog nang napansin ng isang pasahero ang malaking usok mula sa ilalim ng bus na kaagad ipinaalam kay Villamos.
Nang iparada ang bus at siyasatin ang engine compartment ay natuklasang nasusunog na ito hanggang sa nag-panic at nag-unahan sa pagtatakbuhan ang 49 na pasahero.
Agad namang naapula ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Tarlac ang pagliliyab ng bus, na iniimbestigahan pa ng awtoridad. (Leandro Alborote)