Makaiwas sa kahihiyan na mawalis sa best-of-seven title series ang tanging hangad ng San Miguel Beer bago ang pagsabak sa Game 4 ng Smart Bro-PBA Philippine Cup championship. Ito ang pagbubuyo na kanilang sinandigan para maantala nang bahagya ang pagkubkob ng Alaska Aces sa kampeonato.
Ngunit, ang lahat, ay isa na lamang bahagi ng kasaysayan.
“Sa practice bagsak na talaga tuka namin. Nasa isip namin wala rin namang mangyayari kasi tadtad na rin kami,” pahayag ni Beermen forward Arwind Santos “Sila kumpleto sa armas, may kanyon pa sila. Kami paltik na lang.”
“Naisip namin noon na iwasan na lang namin na ma-sweep kami at mapahiya kami sa management at sa mga fans,” aniya.
Naging inspirasyon din sa Beermen ang paglutang ni slotman Junemar Fajardo, na noo’y matunog nang hindi makalalaro dahil sa tinamong pinsala sa tuhod bago ang simula ng serye. Ang imahe ni Fajardo ay kagyat na nagbigay lakas sa koponan para manindigan.
“Alam kasi namin hindi na siya makakabalik. Maski nung nagbihis siya nung Game 5 alam namin ginawa niya yun para ma-inspire kami,” pahayag ni Santos. “Nung naglaro na tapos unang tira niya pasok, ginanahan na talaga kami. Bago yun, nag-eenjoy na lang kami sa laro pero ngayon, history na ang hinahabol namin.”
Tunay na kasaysayan ang naghihintay sa Beermen. Wala pang koponan sa 41-taon ng liga ang nakabangon mula sa 0-3 pagkakadapa mula nang gamitin ang best-of-seven series na nagwagi ng kampeonato.
“Isipin mo, kung sa NBA magkaroon ng 0-3, pag-uusapan nila palagi na may nakagawa na makabalik sa ganyang sitwasyon, sa PBA na liga sa Pilipinas, San Miguel Beer, kami yun. Kaya ganoon na lang yung desire namin na makuha itong Game 7,” pahayag ni Santos. (DENNIS PRINCIPE)