IPINAGDIRIWANG ngayon ang Araw ng Kalayaan ng Sri Lanka. Sa ganito ring araw, taong 1948, nakamit ng bansa ang kalayaan mula sa Britanya. Bilang pagdiriwang, inaawit ng mamamayan ng Sri Lanka ang kanilang pambansang awit at itinataas ang bandila sa Colombo, ang kanilang kabisera at sentro ng pulitika ng bansa. Nagsasagawa rin ang gobyerno at ilang pribadong organisasyon ng parade ng militar, mga pagsayaw, mga beauty pageant, at iba pang masasayang kaganapan.
Ang Sri Lanka (dating Ceylon) ay isang tropikal na islang bansa-estado sa Indian Ocean, malapit sa dulong timog ng India at malapit sa equator. Malalawak na taniman ng tsaa ang matatagpuan sa mga talampas nito. Mayroon itong mayaman at makulay na kultura at kasaysayan, at ang palakaibigang mamamayan nito, malinis na dalampasigan, at nakamamanghang mga tanawin ang dahilan kaya paborito itong destinasyon ng mga turista. Ang Galle Fort, na kilala rin sa tawag na Dutch Fort, na nakaligtas sa malakas na tsunami noong Disyembre 26, 2004, ay kinilala ng UNESCO bilang isang makasaysayang pamana sa arkitektura at archaeology.
Ang Pilipinas at Sri Lanka ay may mabuting ugnayang diplomatiko simula pa noong 1951. Marami na silang napagtibay na kasunduan sa larangan ng kalakalan, transportasyong panghimpapawid, at pagtutulungang kultural. Nagkaroon din sila ng Agreement on the Avoidance of Double Taxation and Fiscal Evasion with Respect to Taxes and Income. Noong 2013, binisita ni Sri Lankan External Affairs Minister Prof. Gamini Lakshman Peiris ang Pilipinas. Nagkaroon ng masinsinang usapan ang Pilipinas at Sri Lanka na tumutok sa agrikultura, kalakalan at pamumuhunan, konstruksiyon, lakas at enerhiya, turismo, at serbisyong panghimpapawid. Inimbita rin ng Sri Lankan Prime Minister ang gobyerno ng Pilipinas at mga lider ng pagnenegosyo na sumali sa 2013 Commonwealth Business Forum na ang kanyang bansa ang punong-abala. Inihayag din ni Minister Peiris ang interes ng Sri Lanka sa pagbabahagi sa Pilipinas ng mga karanasan at mga kasanayan sa disaster risk management.
Binabati natin ang mamamayan at ang gobyerno ng Sri Lanka, sa pamumuno ng Kanyang Kamahalan, Pangulong Maithripala Sirisena, sa ika-68 pagdiriwang ng anibersaryo ng kasarinlan ng bansa.