GENEVA (AFP) — Sinabi ng World Health Organization nitong Lunes na isang international health emergency ang pagtaas ng bilang ng serious birth defects sa South America na pinaghihinalaang dulot ng Zika virus.

Ayon sa UN health body, ang pagtaas sa kaso ng microcephaly, isang mapanira at abnormal na kondisyon ng sanggol na isinilang na may maliit na ulo at utak, ay posibleng dulot ng Zika virus na dala ng lamok at idineklara ang sitwasyon na isang “public health emergency of international concern.”

Sinabi ni WHO chief Margaret Chan sa pagpupulong ng health experts na bumubuo sa emergency committee ng ahensiya, na napagkasunduan na “a causal relationship between the Zika infection during pregnancy and microcephaly is strongly suspected, though not scientifically proven.”

“The clusters of microcephaly and other neurological complications constitute an extraordinary event and a public health threat to other parts of the world,” pahayag niya.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Nagbabala ang WHO noong nakaraang linggo na ang mosquito-borne virus ay “spreading explosively” sa mga bansa sa America, at maaaring magtala ang rehiyon ng hanggang apat na milyong kaso ng Zika ngayong taon.

Unang nadiskubre ang Zika sa Uganda noong 1947, at hindi ito gaanong pinangangambahan dahil nagdudulot lamang ito ng “mild” na karamdaman sa mga tao.

Ngunit, kahit na lumalabas na hanggang ngayon ay banayad ang mga sintomas ng virus, lumalaki ang indikasyon na may kinalaman ito sa microcephaly at sa isa pang pambihirang neurological disorder na tinatawag na Guillain-Barre syndrome, na ikinababahala ng mundo.

“Zika alone would not be a public health emergency of international concern,” paliwanag ni David Heymann, na namuno sa WHO emergency committee meeting nitong Lunes.

Sinabi ng WHO na napansin din ang pagtaas ng kaso ng microcephaly sa French Polynesia nang magkaroon ng Zika outbreak doon dalawang taon na ang nakalipas.

Ang virus ay isinasalin ng lamok na Aedes aegypti, na nagkakalat din ng dengue fever.

Hinimok ni Chan ang mga bansa na magtulungan sa paghahanap ng mga paraan laban sa pagkalat ng Zika.

Ayon sa kanya, hindi maaaring ipagpabukas ang mga pagsisikap na maiwasan ang Zika infections, kabilang na ang pag-alis sa mga baradong tubig na pinamumugaran ng mga lamok, at personal protection laban sa kagat ng lamok tulad ng paggamit ng repellant at pagkabit ng kulambo sa pagtulog.

Samantala, hindi naglabas ang WHO ng mga travel warning, ngunit nagpayo si Chan sa mga buntis na kung maaari ay umiwas sa pagbiyahe sa mga lugar na apektado ng Zika.