Ibinasura ng Quezon City Prosecutors’ Office ang reklamong kriminal na isinampa laban sa 25 leader at miyembro ng iba’t ibang militanteng grupo na umano’y pasimuno sa kaguluhan sa gitna ng demonstrasyon laban sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Aquino noong 2014.

Kabilang sa mga inabsuwelto sa paglabag sa Batas Pambansa 880, malicious mischief, direct assault at physical injuries, sina Rep. Neri Colmenares, dating Congressman Satur Ocampo, dating Congressman Teddy Casiño, Liza Maza, George San Mateo, Antonio Florez, Ferdinand Gaite, George Tinio, Rafael Mariano, at Fernando Hicap.

Absuwelto rin sina Rizal Constantino, Leody de Guzman, Terry Ridon, Roger Saluta, Elmer Labog, Dante Jimenez, Atty. Villegas, Garry Martinez, Vincer Crisostomo, Gloria Arellano, Cristina Palabay, Adrian Mark Ng, Mae Paner, Nestor Villanueva, Louie Pagulayan, Emmie de Jesus, at Luz Ilagan.

Sa tatlong-pahinang resolusyon, ibinasura ni Assistant City Prosecutor Fabinda de los Santos ang mga kaso dahil sa kawalan ng probable cause.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Ang reklamong kriminal ay inihain ng Quezon City Police District (QCPD) na inakusahan ang 25 respondent ng pambabato ng bote ng mineral water at panghahataw ng placard sa mga pulis, pagsira sa concrete barrier, pagdistrungka ng barbed wire na itinayo, at pagsasagawa ng kilos-protesta sa Commonwealth Avenue, Quezon City nang walang kaukulang permit mula sa pamahalaang lungsod. (Chito Chavez)