SA mga huling araw ng Sixteenth Congress, pinagtibay nito ang RA 10742, ang Sangguniang Kabataan Reform Act of 2015, na agad na nilagdaan ni Pangulong Aquino nitong Enero 15, upang maging ganap na batas.
Sa bagong batas—na pangunahing inakda ni Sen. Paolo Benigno “Bam” Aquino sa Senado at ni Dinagat Islands Rep. Arlene Bag-ao sa Kamara de Representantes—ang mga opisyal ng Sangguniang Kabataan ay dapat na edad 18 hanggang 24, mula sa 15-17 sa dating batas. Ang lumang sistema na ito ang pumipigil sa mga opisyal ng SK, dahil menor de edad, na lumagda sa mga kontrata at maging responsable sa kanilang ginawa. Dahil dito, pinaniniwalaang napapasailalim sila sa labis na impluwensiya ng nakatatandang pulitiko—isang dahilan kaya naman ikinokonsidera ng ilang opisyal ang Sangguniang Kabataan bilang maagang pagsasanay sa maruming pulitika.
Ngunit mas kritikal sa bagong SK ang pagkakasama ng probisyon na nagbabawal sa mga kaanak ng mga itinalaga o halal na opisyal na kumandidato para sa posisyon sa SK. Halimbawa, ang anak o kapatid ng isang alkalde ay hindi maaaring kumandidato bilang SK chairman.
Ito ang unang hakbang para sa mga matagal nang nananawagan sa pagpapasa sa isang anti-dynasty law sa bansang ito.
Malinaw ang Konstitusyon sa pagbabawal sa mga political dynasty sa Section 26 ng Article II, Declaration of Principles and State Policies, ngunit ang kahulugan ay “as may be defined by law”. Kung wala ang batas na gaya nito, hindi maipatutupad ang pagbabawal sa nakalipas na 29 na taon simula nang maging epektibo ang 1987 Constitution.
Taun-taon, isinusulong ng ilang mambabatas ang pagpapatibay ng nasabing batas. Noong 2011, inihain ni Sen. Miriam Defensor Santiago ang Senate Bill 2469 upang bigyan ng ngipin at maipatupad na ang nasabing pagbabawal ng batas. Sa Kamara de Representantes, pinangunahan ni Pampanga Rep. Oscar Rodriguez noong nakaraang taon ang mga kongresista sa pagsusulong sa House Bill 2911. Sa pagsisimula ng sesyon, itinala ni Speaker Feliciano Belmonte, Jr. ang isang panukalang kontra sa political dynasty na kabilang sa 20 prioridad na panukala. Isinumite ni Pangulong Aquino ang sarili niyang listahan ng 30 panukala na prioridad ng administrasyon, ngunit hindi kabilang dito ang anti-dynasty bill.
Idaraos ng Sixteenth Congress ang huli nitong sesyon sa Biyernes. Kalabisan na marahil na asahan na mapapabilang ang Anti-Dynasty Law sa mga panukalang igigiit ng Kongreso na maaprubahan. Umasa na lang tayo sa katotohanang nakalusot ang isang probisyong kontra sa dinastiyang pulitikal sa SK Reform Act of 2015, kaya malaki ang posibilidad na mapagtibay din ang isang Anti-Dynasty Law na sasaklaw sa lahat ng posisyon sa gobyerno—kung hindi man sa Kongresong ito, sana ay sa susunod na.