Palaisipan ngayon sa mga residente ng Dasmariñas Village sa Makati City kung sino ang nasa likod ng serye ng pagpatay sa mga “pusakal” o pusang kalye sa kanilang komunidad.
Sa isang circular, nananatiling misteryoso sa mga miyembro ng Dasmariñas Village Association (DVA) ang sunud-sunod na pagpatay sa 12 pusa na alaga ng mga residente. Ilang mga alagang pusa ang nawawala habang ang iba ay natagpuang patay.
Kaugnay nito, isang senior citizen na matiyagang nagpapakain sa ilang “pusakal” na napadpad sa kanyang bahay ang nakatanggap umano ng banta sa kanyang buhay. ““You stop feeding cats. Our village is no cat sanctuary or else,” nakasaad sa liham sa residente na “cat lover.”
Ayon pa sa DVA, may isang insidente kung saan ang isang pusa ay binuhusan ng paint thinner bago ito namatay dahil sa sunog sa katawan.
Bukod sa binibigyan ng pagkain at inaaruga, ang mga “pusakal” sa Dasmariñas Village ay karaniwang kinakapon ng mga residente sa ilalim ng CARA Welfare Trap-Neuter-Return program.
Upang matukoy ang pagkakilanlan ng “cat killer,” nag-alok ng P50,000 pabuya ang People for the Ethical Treatment of Animals (PETA) sa sino mang makapagtuturo sa nasa likod ng pagpatay sa mga pusa.
“It’s imperative that any community faced with a violent act such as the vicious killing of the community cats of Dasmariñas Village take measures to find the culprit or culprits and bring them to justice,” ayon kay PETA Asia Vice President for International Operations Jason Baker. (ANNA LIZA VILLAS-ALAVAREN)