Umatras sa kanyang kandidatura si Romel Mendoza bilang standard bearer ng Puwersa ng Masang Pilipino (PMP) at nagpasyang suportahan si United Nationalist Alliance (UNA) presidential candidate, Vice President Jejomar Binay sa May 2016 elections.
Si Mendoza ay secretary general ng multi-sectoral group na Kalipunan ng Masang Pilipino (KAMPIL), kaalyado ng PMP, at nilinaw nitong hindi niya kayang palakihin ang pambansang kampanya sa pagsabak sa presidential race.
Sa pag-atras nito, anim na lang sa kandidato sa pagkapangulo ang maglalaban-laban sa nalalapit na halalan at ito ay sina Binay, Liberal Party standard bearer Mar Roxas, Sen. Grace Poe, Sen. Miriam Defensor-Santiago, Davao City Mayor Rodrigo Duterte at OFW Family party-list Rep. Roy Señeres.
Mainit na tinanggap ni Manila Mayor Joseph Estrada, nagtatag ng PMP, ang pag-atras ni Mendoza at wala pang inaanunsyo ang grupo sa napipisil nitong presidential candidate.
Matatandaang naghain si Mendoza ng kanyang certificate of candidacy (CoC) bilang pangulo sa ilalim ng PMP upang ilaan ang naturang puwesto para kay Estrada sakaling magdesisyong huwag nang tumakbo.
“The Kalipunan ng Masang Pilipino, a multisectoral organization, is strongly endorsing the candidacy of Vice President Jejomar Binay for president, primarily because of his pro-Filipino and pro-masses agenda and platform of government,” sabi ni Mendoza.
Sinabi ni Mendoza na si Binay ay may karanasan at taglay ang professional track record na pamunuan ang Pilipinas.
(Bella Gamotea)