Isang 39-anyos na lalaki, kilala sa palayaw na “Erap”, ang napatay matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem habang nakikipagkuwentuhan sa isang kaibigan sa likuran ng isang pampasaherong jeep sa Tondo, Manila nitong Lunes ng gabi.

Tinangka pang isalba ng mga doktor ng Mary Jhonston Hospital ang biktimang si Elwin “Erap” Manalang, residente ng 224-A Sto. Niño St., Tondo, dahil sa tama ng bala sa kanyang sentido at dibdib.

Inaalam naman ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga suspek na tumakas matapos ang insidente.

Lumilitaw sa ulat ni Det. Marlon San Pedro ng Manila Police District (MPD), dakong 11:20 ng gabi nang maganap ang insidente sa panulukan ng Moriones at Sto. Niño Street, sa Tondo.

National

Sen. Bong Go, pinakiusapan si Sen. Imee na pagkasunduin muli sina PBBM, VP Sara

Sa pahayag sa pulisya ni Rey Edward Narrido, 22, nag-uusap sila ng biktima sa likod ng isang nakaparadang jeep nang biglang sumulpot ang isang motorsiklo na kinalululanan ng dalawang suspek, tumigil sa harapan nila at walang sabi-sabing binaril ang biktima bago muling humarurot ang motor.

Isinugod niya, sa tulong ng ilang tambay, ang biktima sa pagamutan ngunit nasawi rin.

Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang kaso upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at mabatid ang dahilan sa pagpatay. (Mary Ann Santiago)