Nagbabala si Senator Vicente Sotto III sa posibilidad na bubuhos ang drug money sa halalan sa Mayo 9.

Ayon kay Sotto, dapat pagtuunan ng pansin ang problema sa droga dahil hindi na biro ang mga kaso kaugnay sa pagkakasamsam ng bilyun-bilyong halaga ng shabu sa buong bansa.

“There is a possibility, that’s why we must put drug problem as priority,” pahayag ni Sotto.

Lumabas sa pagdinig kahapon ng Senate committee on public order and illegal drugs, ang listahan ng mga pulitiko at drug pusher sa Iloilo.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Sinabi ni Sotto na kung nangyayari ito sa Iloilo, nangyayari rin ito sa iba pang lugar sa bansa.

Isinumite ni Iloilo City Councilor Plaridel Nava sa Senado ang isang “blue book” na naglalaman ng mga pangalan ng mga pulitiko, opisyal ng gobyerno, at drug pusher sa kanyang lugar.

Isinagawa ang pagdinig matapos ang marahas na paglusob sa istasyon ng DYOK Aksyon Radio sa Iloilo City noong nakaraang taon.

Nagtataka ang pamunuan ng National Press Club (NPC) kung bakit nakawala ang mga pangunahing suspek na sina Melvin Odicta Sr., anak nitong si Junior, at si Jesus Espinosa.

Ayon kay NPOC President Joel Egco, malinaw na may mga maimpluwensiyang tao sa likod ng paglaya ng mga nabanggit na suspek.

Iminungkahi ni Egco kay Committee Chairman Senator Grace Poe, na gumawa ng isang komite na magbibigay-proteksyon sa mga mamamahayag. (LEONEL ABASOLA)