ZAMBOANGA CITY – Ang kabiguan ng gobyerno na mapagtibay ang kasunduang pangkapayapaan sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) ay maaaring magbunsod sa pinakamalaking secessionist group sa bansa upang muling maglunsad ng digmaan sa Mindanao.

Hayagang sinabi ni Sulu 1st District Rep. Habib Tupay Loong na “we cannot allow war to prevail as an option for the government and the Bangsamoro people to settle their conflict, as it will only bring death and destruction to the nation and will only divide the people of Mindanao.”

“But I cannot stop the Bangsamoro people if they opt to traverse the dangerous and destructive path of war to preserve their religion, protect themselves and recover their ancestral homeland,” ani Loong.

Umaasa ang kongresista na hindi pipiliin ng mga Bangsamoro ang makipagdigma upang maigiit ang kanilang mga hangarin.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa privileged speech niya sa Kamara nitong Lunes, sinabi ni Loong na sumabak sa giyera ang mamamayang Bangsamoro mahigit 43 taon na ang nakalipas, upang palayain ang kanilang sarili mula sa pananakop, kawalan ng hustisya, at deskriminasyon.

Aniya, handa ang mga Moro na mamatay para sa kapakanan ng karamihan, para sa pananampalataya, at para sa kanilang bayan, dahil para sa kanila, ang pagpanaw sa ganitong paraan ay isang karangalan at biyaya, alinsunod sa turo ng Islam.

Ngunit, ayon kay Loong, ang Islam ay relihiyon ng kapayapaan, at pinili ng mamamayang Bangsamoro na pumasok sa kasunduang pangkapayapaan, sa pamamagitan ng panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL), sa gobyerno, ngunit sa huli ay nabigo rin ito.

Bilang isang dating opisyal ng Moro National Liberation Front (MNLF) na nakipagkasundo sa gobyerno, naniniwala si Loong na ang “Bangsamoro problem is not a constitutional problem, but a political problem which should be solved politically.”

Aminado rin ang kongresista na labis na naapektuhan ang BBL sa engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25, 2015, nang 44 na tauhan ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF), ang napatay ng MILF at iba pang armadong grupo. (NONOY E. LACSON)