Iginiit ng prosekusyon sa forfeiture case ng dollar account deposit ni dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona, na ipatawag ang mga opisyal ng Deutsche Bank AG Manila para sa isang pagpupulong sa susunod na linggo, sa Office of the Ombudsman.
Sa inihaing mosyon ng prosecution panel, hiniling ng mga ito kay 2nd Division clerk of court Atty. Irene Estonilo-Palmero na magpalabas ng subpoena laban sa bank representatives na sina Enrico Cruz, chief country officer; at Celia Orbeta, hepe ng Direct Securities Services, upang padaluhin sa isang kumperensiya sa Pebrero 11, dakong 9:00 ng umaga.
Naiulat na isa lang ang nasabing bangko sa pinag-impukan ni Corona sa kanyang 82 dollar account, na roon umano nakatago ang aabot sa $12 million mula 2003 hanggang 2012, kasama na rito ang panahon nang maharap sa impeachment trial ang dating chief justice kaugnay ng maling deklarasyon ng kanyang yaman.
Layunin lang ng prosekusyon na mapagtibay ng mga opisyal ng Deutsche Bank ang reproductions ng liham ng bangko na may petsang Hunyo 2012, kay Bureau of Internal Revenue (BIR) Chief Kim Henares kaugnay ng deposito ni Corona na $167,000 (P7.9 milyon) mula 2002 hanggang 2011.
Matatandaang hiniling ng BIR sa naturang bangko na ipaalam sa kanila ang mga impormasyon ng dollar account deposit ni Corona nang “isuko” ng huli ang kanyang right to bank secrecy sa kasagsagan ng impeachment trial sa Senado.
(Rommel P. Tabbad)