Patay ang isang 34-anyos na babae nang matupok ng apoy ang isang condominium unit sa Parañaque City na pinaniniwalaang sinunog ng dalawang miyembro ng “Akyat-Bahay” gang.
Kinilala ni Bureau of Fire Protection (BFP)-Parañaque Chief Insp. Wilson Tana ang nasawing si Rolina Aclon, isang guro, naninirahan sa ikalimang palapag ng Berlin Bldg. ng Kassale Residences sa Barangay Moonwalk.
Pinaniniwalaang namatay si Aclon sa makapal na usok dulot ng sunog sa Unit 403.
Bago mangyari ang sunog, rumesponde ang isang grupo ng pulis sa tawag ng mga residente na may dalawang armadong lalaki na puwersahang pumasok sa gusali.
Subalit dakong 5:26 ng umaga nang mapansin ng arresting team ang makapal na usok na nanggagaling sa Unit 403 kung saan iniulat na pumasok ang dalawang suspek.
“Meron kaming police operation para mahuli ‘yung allegedly dalawang Akyat-Bahay at nandoon sila sa Unit 403.
Maya-maya biglang nasunog ‘yung nasabing unit,” kuwento ni Chief Insp. Arnold Acosta.
Nagawa pa umanong makipagbarilan ng dalawang robbery gang member sa mga pulis bago tumakas.
Nasagip naman ng mga bomber mula sa nasusunog na gusali ang apat na residente, kabilang dalawang paslit na nasa edad siyam at apat. (Martin A. Sadongdong)