Ipinag-utos ng Makati City Regional Trial Court Branch 142 na arestuhin si Senator Antonio Trillanes IV matapos mapagtibay na may probable cause ang kasong libelo na isinampa laban sa kanya ng sinibak na alkalde ng Makati City na si Jejomar Erwin “Junjun” Binay.
Sinabi sa panayam ni Atty. Maricel Cairo, clerk of court ng Makati RTC Branch 142, na may “order of probable cause” sa kasong isinampa laban sa senador at nilinaw na awtomatikong mag-iisyu ng warrant of arrest ang korte.
Kinumpirma naman ni Atty. Claro Certeza, abogado ni Binay, na nakatanggap siya ng impormasyon mula sa mapagkakatiwalaang source kaugnay ng inilabas na warrant of arrest laban kay Trillanes dahil sa naturang libel case, bagamat hindi pa ito nakatatanggap ng kopya.
Samantala, iginiit naman ni Trillanes na gumagawa na ng nararapat na hakbang ang kanyang abogado sa posibleng pag-aresto sa kanya ng awtoridad.
Nanindigan si Trillanes na hindi siya titigil sa pag-uungkat sa mga katiwalian na kinasasangkutan ng pamilya Binay at hindi niya hahayaan umanong ang magnanakaw ang mamuno sa bansa.
Matatandaang nagsampa ng libelo ang pinatalsik na alkalde ng Makati laban kay Trillanes dahil sa umano’y malisyosong akusasyon ng senador sa kanya at sa pamilya Binay tungkol sa “panunuhol” at iba pang katiwalian sa Makati na wala namang basehan.
Inihayag ni Trillanes sa publiko, partikular sa radyo, telebisyon, at diyaryo na “sinuhulan” umano ni Binay ang mga miyembro ng 6th Division ng Court of Appeals (CA), sa pagbabayad ng milyun-milyong piso, kapalit ng pabor sa hirit na temporary restraining order (TRO) kontra sa inisyung suspension order ng Office of the Ombudsman.
“The damaging and ruinous claims spewed out by respondent Trillanes are mere concoctions and fabrications with no other purpose than to malign, discredit, ruin my reputation and besmirch my good name as well as that of my family,” saad sa complaint affidavit ni Binay. (ANNA LIZA VILLAS-ALAVAREN)