Muling pinatunayan ni Sen. Miriam Defensor Santiago na siya ang paborito ng mga estudyante matapos lumitaw sa huling survey ng University of the Philippines-Los Baños (UPLB) na siya ang nangunguna sa presidential survey para sa eleksiyon sa Mayo 9.

Ikinagalak ni Santiago ang pagkakapili sa kanya bilang susunod na pangulo ng bansa, base sa resulta ng huling UPLB University Pulse Survey Research Program na isinagawa noong Nobyembre hanggang Disyembre 2015, subalit isinapubliko lamang nitong nakaraang linggo.

Si Santiago ay sinundan ni Liberal Party standard bearer Manuel “Mar” Roxas, na nakakuha ng anim na porsiyento sa kabuuang bilang ng mga boto, habang si Sen. Grace Poe-Llamanzares ay pumuwesto sa ikatlo na may limang porsiyento.

Ang natitirang tatlong porsiyento mula sa hanay ng mga respondent ay hindi pa rin makapagdesisyon kung sino ang kanilang iboboto.

National

Eastern Police District, nakaantabay na sa pagbubukas ng klase sa June 16

“When a candidate leads a survey, it means that she is doing something right in her campaign. But when a candidate is almost unrivaled in a survey, that means voters see something wrong in the other choices,” pahayag ni Santiago.

Ayon kay Santiago, hindi ito ang unang pagkakataon na nanguna siya sa presidential survey sa UPLB.

Noong Nobyembre 2015, siya rin ang nanguna sa mock presidential election na isinagawa ng mga political science student, nang umani ang senadora ng 66 na porsiyento.

Namayagpag din si Miriam sa mga campus survey ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) na may 64 porsiyento; University of Santo Tomas (UST), 66 porsiyento; Ateneo de Manila University (ADMU), 37 porsiyento; UP-Manila, 59 porsiyento; at University of Northern Philippines, 36 porsiyento. (Hannah L. Torregoza)