KASABAY ng pagkawala ng Walang Tulugan ay babaguhin na rin ang radio program ng namayapang si German “Kuya Germs” Moreno.
Ayon sa nakausap naming isa sa mga regular staff ng nasabing radio program ni Kuya Germs, maaaring any moment ay babaan sila ng memo.
Pero hangga’t wala pa raw silang natatanggap na memo mula sa GMA management ay ipinagpapatuloy nila ang radio program.
So, wala silang ideya kung ipagpapatuloy pa nila ang show o tuluyan nang mawawala ere?
“Well, wala talaga akong alam kung ano ang susunod na kaganapan sa show ni Kuya Germs. Alam naman naming lahat na hindi maaaring palitan na lang nang basta-basta ang show naming ito na inumpisahan talaga ni Kuya Germs. Marami namang hindi papayag na basta-basta na lang hindi na mapakinggan ng mga fans niya,” sey ng kausap namin.
Sabi pa ng source naming, mahirap talagang mapantayan ng sinumang nag-aambisyong maging kapalit sa mga iniwang show ni Kuya Germs.
“Sa totoo lang naman, hindi nila kaya kahit na ‘yung mga maliliit lang na ginagawa ni Kuya Germs para sa mga co-host niya at pati na sa mga batang nasa That” Entertainment dati.
“Hindi nila kaya ang mga ginagawa ni Kuya Germs para sa shows niya. ‘Yung Walang Tulugan niya alam natin na parating abono siya sa show. Maski dito sa radio show niya, eh, nag-aabono pa rin siya,” sey pa ng source. (Jimi Escala)