Dismayado ang mga tagahanga na naghihintay ng dikitang labanan matapos dispatsahin ng two-time defending champion Ateneo ang mahigpit na karibal na National University, 25-21, 25-19, 25-14, sa opening day ng UAAP women’s volleyball tournament nitong Linggo sa The Arena sa San Juan.
Walang naipakitang katatagan ang Lady Bulldogs maliban sa 14-7 bentahe sa second set na kaagad namang nahabol ng Lady Eagles tungo sa dominanteng panalo na inaasahan ng marami na mauuwi sa dikdikang five-setter match.
Nanguna si national player Alyssa Valdez sa naiskor na 18 puntos, tampok ang 15 atake, habang kumana si sophomore middle blockers Maddie Madayag at Bea de Leon ng 13 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod sa panalo ng Ateneo na tumagal lamang sa isang oras at 13 minuto.
“Malayo pa eh first game pa lang,” sambit ng 22-anyos na si Valdez, flag-bearer ng Philippine contingent sa 2015 Singapore Southeast Asian Games.
Matikas ang depensa ng Katipunan-based belles na nakapagtala ng siyam na blocks, tampok ang lima mula kay Madayag.
Samantala, sinimulan din ng University of the Philippines ang kampanya sa impresibong pamamaraan nang pabagsakin ang University of the East, 25-20, 25-13, 25-21.
Umiskor si fourth year spiker Nicole Tiamzon ng siyam na puntos, gayundin ang rookie na sina Justine Dorog at Diana Mae Carlos.
Iginiit ni Lady Maroons coach Gerry Yee na tapik sa balikat ng mga bagitong player ang panalo bago ang pinakamalaking laban nila kontra sa powerhouse La Salle sa Sabado.
“As expected, syempre rookies pa rin ’yan, ang dami-daming tao sa next game siguro wala na jitters. But of course hoping kami next game adjusted na kasi jitters ’yan eh, kailangan natin magbago lalo pa next game kalaban natin La Salle,” aniya.