LOS ANGELES (AP) – Matindi ang ipinamalas na kapangyarihan ng Kung Fu Panda 3 sa U.S. box office nang tumabo ito ng $41 million sa pagbubukas sa 3,955 sinehan nitong nakaraang weekend.
Hindi naman bongga ang pambungad ng paglulunsad ng Disney ng Coast Guard rescue adventure na The Finest Hours, na kumita lang ng $10.3 sa 3,143 sinehan, kasunod ang The Revenant at ang Star Wars: The Force Awakens, na nasa ikapitong linggo na sa mga sinehan.
Kakapiranggot na $6 million naman ang kinita ng spoof ni Marlon Wayans na Fifty Shades of Black, at halos hindi naman naramdaman ang Jane Got a Gun ni Natalie Portman sa kinitang wala pang $1 million.
Halos mapantayan na ng Kung Fu Panda 3, na distributed ng Fox para sa DreamWorks Animation, ang kinita ng unang linggo ng pagpapalabas ng Kung Fu Panda 2 noong 2011, na humakot ng $47.7 million domestically, hanggang kumita ng $162.5 million sa kabuuan.
Ang orihinal na pelikula noong 2008 ay kumita ng $60.2 million sa opening weekend at kabuuang $215 million sa Amerika pa lamang.