Muling inilunsad ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang kampanya laban sa pagkakalat sa lansangan ng tone-toneladang political campaign material ngayong papalapit na ang eleksiyon sa Mayo 9.
Pinangunahan ni DENR Secretary Ramon J. Paje ang paglulunsad ng “Basura-Free Election 2016” nitong Biyernes, sa pakikipagtulungan ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Commission on Elections (Comelec) na ipinatupad din noong 2013 midterm elections.
May temang “Kalat Ko, Linis Ko”, sinimulan ang kampanya dahil sa inaasahang pagkakalat ng mga campaign material tulad ng poster, flyer at iba pang election paraphernalia, lalo na sa pagsisimula ng panahon ng kampanya sa Pebrero 9 para sa mga kandidato sa national position, at Marso 25 para sa local elective post.
Ayon sa mga opisyal ng DENR, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at National Solid Waste Management Commission (NSWMC), nagpahayag na ng suporta ang mga pangunahing partido pulitikal, party-list group, at mga kandidato sa naturang kampanya.
Katuwang din ng DENR sa programa ang mga environmental warrior tulad ng EcoWaste Coalition, Mother Earth Foundation, at Miriam College. (Vanne Elaine P. Terrazola)