Inabsuwelto ng Court ng Appeals (CA) si retired Chief State Prosecutor Jovencito Zuño sa kontrobersiyang kinasangkutan nito kaugnay ng kaso ng tinaguriang “Alabang Boys.”

Nadawit si Zuño sa kontrobersiya makaraan nitong aprubahan ang findings na walang probable cause para sampahan ng kasong may kinalaman sa droga sina Richard Brodett, Jorge Joseph, at Joseph Tecson.

Sa 16-pahinang desisyon ng CA 11th Division na isinulat ni Associate Justice Sesinando Villon, pinaboran ng appellate court ang petisyong inihain ni Zuño.

Ayon sa CA, nakagawa ng grave abuse of discretion ang Presidential Anti-Graft Commission o PAGC nang iutos nito na patawan ng preventive suspension si Zuño noong Mayo 29, 2009 dahil sa kinakaharap na reklamong administratibo.

Dahil dito, ibinasura ng appellate court ang reklamong inihain ng Complaints and Investigation Unit ng PAGC laban kay Zuño.

44°C heat index, naitala sa 4 na lugar sa Luzon!

Ipinagharap si Zuño ng PAGC ng reklamong grave misconduct at conduct grossly prejudicial to the best interest of service bunsod sa pagbasura nito sa reklamong kriminal laban sa Alabang Boys.

Binigyang-diin ng CA na hindi maaaring puwersahin ng PAGC ang isang piskal na maghain ng kaso sa korte, lalo pa’t hindi ito kumbinsido na may sapat na ebidensiya para iakyat ang kaso sa hukuman.

Ang mga pampublikong opisyal ay dapat umanong bigyan ng “presumption of good faith” sa pagganap nila sa tungkulin, at kung wala namang indikasyon na ito ay nagpasya nang may malisya o nagpasya “in bad faith,” dapat manaig ang “presumption of regularity” sa pagganap niya sa trabaho.

Naging kontrobersyal ang kaso ng Alabang Boys, na nagmula sa mayayamang pamilya dahil sa hinala na sangkot ang mga ito sa illegal drug activities sa Ayala Alabang.

Sina Brodett at Joseph ay inabsuwelto na ng hukuman sa kasong drug trafficking. (Beth Camia)